Nagugulat pa rin ako kapag gumagastos ako nang malaki para sa sarili ko.
Minsan, kahit kaya ko naman, may boses pa rin sa isip ko na nagsasabing, “Kailangan mo ba talaga ’yan?” “Tama pa ba ’to?” “Hindi ba mas okay kung i-save ko na lang?”
Siguro dahil ganito ako pinalaki.
Lumaki ako sa pamilyang kailangang magtipid. Hindi kami mayaman, pero hindi rin naman sobrang salat. Nakakaraos, pero may mga panahong kinakapos din.
Kaya bata pa lang ako, natuto na akong dumiskarte.
Noong elementary ako, kapag may project na stitching, ako na ang bahala sa buong klase. Ako na ang bibili ng materials, basta may dagdag na ₱5.00.
Noong high school, sinadya kong dalhin ang maja na gawa ng nanay ko para mapatikim at maibenta. Ayun, nakabenta ako ng 30 pieces.
Noong SHS, natuto akong mag-online selling hanggang sa pandemic.
Noong college, nahirapan kami dahil kailangan kong mag-dorm. Kaya nagtrabaho ako bilang assistant teacher sa Kumon habang nag-aaral.
Hindi ko alam noon, pero lahat pala ng maliliit na bagay na ’yon ang nagturo sa akin kung paano maging madiskarte, matatag, at higit sa lahat, kung gaano kahirap kumita ng pera.
Kaya siguro hanggang ngayon, may part sa akin na nahihirapang gumastos para sa sarili ko.
Kaya sobrang weird sa feeling na ngayon, kaya ko nang kumain sa Jollibee. Kaya ko nang pumunta sa restaurant na ₱400 pataas ang pagkain. Kaya ko nang bumili ng mga bagay na dati, tinitingnan ko lang.
Kasi dati, ₱20 lang ang baon ko.
At minsan, may natitira pang ₱10.
Kaya nitong nagpaayos ako ng buhok at gumastos ng ₱4,500, hindi ko ma-explain kung bakit naluluha ako.
Masaya ako.
Pero may guilt pa rin.
Siguro hindi dahil sayang ang ₱4,500.
Siguro dahil naaalala ko ’yung batang ako na kailangang isipin kung saan mapupunta ang bawat piso.
At ngayon, ako na ’yung taong kayang sabihin sa sarili niya na, “Okay lang. Pinaghirapan mo naman ’to.”
Habang sinusulat ko ’to, narealize ko…
Hindi pala ako nasa starting point pa.
Malayo pa ako sa mga pangarap ko, oo.
Pero malayo na ako sa kung saan ako nagsimula.
At maybe, deserve din ng batang ako na makitang hindi nasayang lahat ng pagod niya.
Na ’yung batang natutong dumiskarte para may dagdag na ₱5.00…
Siya rin pala ’yung magiging dahilan kung bakit isang araw, kaya ko nang gumastos ng ₱4,500 para sa sarili ko nang hindi kailangang humingi ng kahit kanino.
May guilt pa rin.
Pero this time, may saya na rin.
And I think that’s progress.
Sa 2027, goal ko makapag-start nang mag-ipon at makahanap ng trabaho na doble ng sahod ko ngayon.
Hindi ko pa alam kung gaano katagal bago ko marating lahat ng gusto ko.
Pero isang bagay ang sigurado ako:
Malayo pa. Pero malayo na. 🤍